Magkakaroon na ng sariling noontime variety-game show ang TV5.
Ito ay ang Game N Go, na nakatakdang i-launch sa March 10, 2012, araw ng Sabado. Mapapanood ito araw-araw, Monday to Saturday, simula 11:30 a.m.
Ito ang impormasyong natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula sa isang source na may kinalaman sa programa. Bagamat hindi pa final ang listahan ng hosts, malamang na makasama rito sina Edu Manzano, Gelli de Belen, Tuesday Vargas, Arnell Ignacio, Pretty Trizsa, Wendy Valdez, at Shalani Soledad-Romulo.
Ayon pa sa source ng PEP, kagabi, February 13, naganap ang presentation of hosts sa management ng TV5 sa Old Spaghetti House sa Libis, Quezon City.
Pero wala raw si Edu kagabi dahil bukod umano ang meeting sa kanya.
Ilang meetings na rin naman daw ang nagaganap sa pagitan ni Edu, sa kanyang manager na si June Rufino, at ang mga taga-Singko mula pa noong conceptualization ng bagong game show na ito.
Excited daw ang lahat sa likod ng produksiyon ng bagong show na ito ng Kapatid network.
Direktang makakatapat ng Game N Go ang It's Showtime ng ABS-CBN.
Mas maaga naman ito ng 30 minutes sa noontime show ng GMA-7 na Eat Bulaga!, na mahigit nang 30 taon sa ere at siyang longest-running noontime show sa Pilipinas.
Ang Game N Go ay ididirek ni Danny Caparas.
Sabi pa ng aming source tungkol sa programa: "Ang daming game segments at magbibigay ng malalaking cash prizes ang show.
"At hindi lang ito solo show ni Edu kundi grupo sila dito na hosts na may kanya-kanyang segments."
Kundi old Tagalog films ay foreign canned shows ang napapanood sa noontime slot ng TV5, pero ngayon ay susubukan na nilang mag-game show tuwing tanghali.
Sa pagdating ng Game N Go ay magiging dalawa na ang daily variety-game shows ng TV5. Game N Go sa umaga at Wil Time Bigtime naman sa gabi.
Ito rin ang unang pagsasama nina Edu at Arnell sa isang game show.
Two-hour daily show ang Game N Go, na inaasahang isa sa mga bagong shows na ia-announce ng TV5 sa grand presscon nila bukas, February 15.
Kabilang na rito marahil ang show ni Sharon Cuneta; ang Kanta Pilipinas na ihu-host ng international singer na si Lea Salonga; at ang comedy show na Kapitan Awesome na tatampukan nina Martin Escudero, Empoy, at Andrew E, mula sa direksiyon ni Joyce Bernal.
Ilan din sa mga bagong shows na naka-lineup sa TV5 ay ang reality shows na Extreme Makeover, Amazing Race Philippines, at Love In Temptation Island.
Tidak ada komentar:
Posting Komentar